Kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na isang Chinese defense attaché na nakatalaga sa South Korea ang nag-abot sa kanya ng pro-China note habang dumadalo siya sa Seoul Defense Dialogue.

Ayon kay Teodoro, sinabi ng mga organizer ng forum na ang naturang Chinese defense attaché ang nag-abot ng note habang nagsasalita siya sa defense and security forum sa Seoul.

Noong Setyembre 8, binatikos ni Teodoro ang malawak na territorial claims ng China sa South China Sea matapos siyang abutan ng naturang mensahe.

Inilarawan din ng kalihim bilang bahagi ng tinatawag na “wolf warrior diplomacy” ang ilang insidenteng kinasangkutan umano ng mga Chinese official sa mga international defense forum.

Ibinahagi ni Teodoro na nakaranas na rin ang mga opisyal ng Pilipinas ng umano’y agresibo at mapanuyang pagtatanong mula sa Chinese officials sa Shangri-La Dialogue sa Singapore.

-- ADVERTISEMENT --

Binatikos din niya ang mga pahayag at social media post ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa ilang opisyal ng Pilipinas, kabilang siya at Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela.

Humingi na ng pahayag ang GMA News Online sa Chinese Embassy sa Maynila hinggil sa insidente, ngunit wala pa itong inilalabas na tugon.