Nagpakawala na naman umano ng flares sa aircraft ng Pilipinas ang China, at sa pagkakataong ito ay habang nagpapatrolya ang eroplano sa Zamora o Subi Reef sa West Philippine Sea.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea, nanggaling ang flare mula sa Chinese military facility na itinayo sa reef at pinuntirya ang eroplano ng Fisheries and Aquatic Resources noong August 22, 2024.
Sinabi ng Philippine Navy, inangkin ng China ang Zamora Reef noong 1998 at mayroon na itong military base sa nasabing lugar.
Ang Zamora Reef ay 12 nautical miles mula sa Pagasa Island.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakawala ng flares ang China sa eroplano ng bansa sa West Philippine Sea.
Noong August 8, nagpakawala ng flares ang dalawang Chinese Air Force fighter jets sa Panatag shoal sa dinaanan ng Philippine Air Force NC-212i plane at nagsagawa ng mapanganib na maneobra.