Maagang ipinagdiwang ng lungsod ng Tuguegarao ang Chinese New Year ngayong taon na isinagawa sa Tuguegarao City Commercial Center sa Bonifacio St., Brgy. Centro 7.
Sa halip na Jan 29 ay ipinagdiwang ito ngayong araw ng Lunes dahil sa availability ng mga traditional lion and dragon dancers ng Santiago Sports and Athletic Association mula Isabela.
Tradisyon na ang pagtatanghal ng lion at dragon dance tuwing may mga okasyon gaya ng Chinese New Year dahil sa paniniwalang pantaboy ng bad vibes at pampaswerte ito.
Sa kaniyang talumpati, binigyang diin ni Mayor Maila Ting-Que ang kahalagahan ng ganitong selebrasyon bilang pag-respeto at pagpapahalaga sa kultura at tradisyon ng mga iba’t-ibang lahi lalo na ang mga matagal ng nakatira dito sa lungsod.
Ayon kay Mayor Ting-Que maaari nating kopyahin ang ibang magagandang kultura at tradisyon at ihalo sa Ybanag culture na maaaring makatulong sa pang-araw araw nating pamumuhay.
Kinilala naman ng alkalde ang tulong na ipinagkakaloob ng Federation Of Filipino Chinese Chambers Of Commerce & Industry, Inc. gaya ng pagpapatayo ng mga eskwelahan at iba pang mga proyekto na makakatulong sa mga higit na nangangailangang mamamayan ng lungsod.
Present din sa pagdiriwang ang Department of Tourism (DoT) Region 2 kung saan pinuri ni Regional Director Troy Alexander Miano ang selebrasyon bilang bahagi ng promosyon ng cultural tourism lalo na at sa ating kasaysayan ay malalim ang ugnayan ng mga Pinoy sa mga Tsino kung saan ilan sa kanilang mga paniniwala ay na-adopt na natin.
Umaasa ang ahensiya na makakatulong ang ganitong selebrasyon para mapalago pa ang sektor ng turismo sa lambak Cagayan.
Samantala, dumalo rin sa naturang selebrasyon ang mga department heads ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao.