
Binangga umano ng isang China Coast Guard o CCG vessel ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR habang nagsasagawa ito ng fuel subsidy mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, tinamaan ng CCG vessel 21585 ang BRP Datu Magat Salamat bandang alas-11:13 ng umaga nitong Biyernes.
Sinabi ni Tarriela na unang nag-cut across sa hulihan ng BFAR vessel ang barko ng China sa layong humigit-kumulang 10 metro. Ilang minuto matapos nito, inulit umano ng Chinese vessel ang maniobra at nakabangga ang barko ng Pilipinas.
Nagkaroon ng pinsala sa starboard side ng BRP Datu Magat Salamat, kabilang ang mga nabaluktot at naputol na metal stanchions at support structures, gayundin ang ilang deck fixtures at equipment.
Matapos ang insidente, muling nagsagawa umano ng mapanganib na maniobra ang CCG-21585 at dumaan sa likuran ng BFAR vessel sa layong tinatayang limang metro.
Nangyari ang insidente may 6.36 nautical miles mula sa hilagang-kanluran ng Abad Santos Shoal at nasa loob ng Philippine exclusive economic zone o EEZ. Inatasan na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga barko at aircraft ng PCG na tumungo sa lugar upang tumulong at tiyakin ang kaligtasan ng mga tripulante.










