Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights sa pagkamatay ng 19 anyos na maritime academy cadet na umano’y pinarusahan ng kanyang upperclassman dahil sa aksidenteng pagpapadala ng thumps-up emoji sa group chat.
Matatandaan na namatay si Vince Andrew delos Reyes, isang sophomore cadet sa isang merchant marine school sa Calamba, Laguna noong Lunes matapos na magsagawa ng matinding physical exercise sa utos ng senior student, ayon sa CHR na base sa report naman sa paunang imbestigasyon ng Philippine National Police.
Batay sa police investigation, hindi umano sinasadya na naipadala ni Delos Reyes ang emoji sa cadet corps group chat, na hindi umano nagustuhan ng kanyang seniors.
Bilang parusa, pinagawa kay Delos Reyes ang mabigat na ehersisyo pagkatapos ng kanilang hapunan.
Nakaranas umano si Delos Reyes ng hirap sa paghinga hanggang sa siya ay bumagsak.
Agad siyang itinakbo sa infirmary bago inilipat sa isang ospital kung saan siya ay idineklarang patay na.
Ayon sa CHR, pangungunahan ng kanilang regional office sa Region 4 ang imbestigasyon sa nasabing insidente.
Binigyan ng CHR na walang lugar ang matinding pisikal na pagpaparusa sa educational institution.