Inirekoenda ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang pagsasampa ng reklamo sa ilalim ng Anti-Hazing Act laban sa dating Ateneo men’s basketball coach na si Tab Baldwin at sampu pang iba kaugnay ng pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.

Ayon sa CIDG, lumabas sa imbestigasyon na isinailalim umano ang mga manlalaro sa matitinding pisikal na aktibidad, punishment exercises, at sea-based training sa mapanganib na kondisyon bago nalunod ang dalawang estudyante.

Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na isusumite ang rekomendasyon sa Department of Justice o DOJ, na siyang magpapasya kung may sapat na batayan upang magsampa ng kaso matapos ang isasagawang preliminary investigation.

Nabatid din sa imbestigasyon na may mga dating Ateneo players na nagpatotoo tungkol sa halos magkaparehong near-drowning incidents noong 2016 sa parehong lugar, na taliwas umano sa naunang pahayag ni Baldwin.

Samantala, kinilala ng Ateneo de Manila University ang rekomendasyon ng CIDG at iginiit na nakikipagtulungan ito sa mga awtoridad habang patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga pamilya ng mga nasawing estudyante.

-- ADVERTISEMENT --