
Naniniwala si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi sapat ang isinampang grave threats case laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kontrobersyal nitong pahayag tungkol sa umano’y pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pa.
Ayon kay Castro, sa kanyang personal na pananaw bilang abogado, may elemento rin umano ng inciting to sedition sa pahayag ni Duterte dahil maaari itong maghasik ng galit laban sa Pangulo at pamahalaan.
Gayunman, ibinasura ng Department of Justice ang reklamong inciting to sedition dahil hindi nakitaan ng sapat na ebidensiya para sa posibleng paghatol. Samantala, isinampa ang grave threats case laban kay Duterte sa ilalim ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act, na may P120,000 piyansa.
Iginiit din ni Castro na maaaring sabay na harapin ni Duterte ang criminal case at impeachment proceedings dahil magkaiba ang kanilang proseso at layunin.
Samantala, sinabi ng kampo ni Duterte na hindi maaaring kasuhan ng grave threats ang Bise Presidente habang nagpapatuloy ang impeachment trial dahil kabilang umano sa kaso ang kaparehong alegasyon.










