Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lahat ay nasa lamesa kaugnay sa magiging kapalaran ni drug convict Mary Jane Veloso sa sandaling bumalik siya sa ating bansa.
Tugon ito ni Marcos sa ambush interview sa kanya sa Nueva Ecija kung bibigyan ng clemency sa sandaling bumalik si Veloso mula sa Indonesia
Ayon sa Pangulo, pag-aaralan nila ang nasabing usapin dahil ito ang unang pagkakataon na may ganitong pangyayari.
Ang clemency ay ang pagkakaloob ng awa sa isang convicted individual, na kadalasan na ibinibigay ng executive authority.
Una rito, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na bukas ang pamahalaan ng Indonesia sa posibilidad na pagkalooban ni Marcos si Veloso ng clemency.
Gayonman, sinabi ni De Vega, na ang detalye kaugnay sa posibleng clemency kay Veloso, ang detention facility kung saan niya itutuloy ang kanyang sentensiya, at ang haba ng kanyang pagkakakulong ay kasalukuyang nang pinag-uusapan.