Inihayag ni dating Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office State Auditor Roderick Wamil na kulang ang isinumiteng documentary evidence ng Office of the Vice President o OVP para sa hindi bababa sa P129 milyong ginastos mula sa confidential funds nito noong una at ikalawang quarter ng 2023.

Sa ika-12 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Wamil na walang kalakip na mga dokumento ang OVP para sa paggasta ng P42 milyon para sa medical at food aid noong unang quarter, gayundin ng P40 milyon at P82 milyon para sa kaparehong layunin noong ikalawang quarter.

Ayon pa kay Wamil, wala ring isinumiteng ebidensya ang OVP para sa P27 milyong inilaan bilang reward payments at P20 milyong ginamit umano bilang travel incentives kaugnay ng confidential operations.

Ipinaliwanag ni Wamil na taliwas ito sa itinakda ng 2015 Joint Circular na nag-aatas ng sapat na dokumentasyon upang mapatunayan ang matagumpay na information gathering o surveillance activities bago maglabas ng reward payments mula sa confidential funds.

Dagdag pa niya, hindi rin kabilang sa mga pinahihintulutang paggastusan ng confidential funds ang medical at food aid at travel incentives batay sa naturang Joint Circular.

-- ADVERTISEMENT --

Si Wamil ay testigo ng prosekusyon para sa unang artikulo ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.