
Hiniling ng Commission on Audit sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang apat na flood control projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng mahigit P275 million matapos na matuklasan ng mga auditor ang pinaghihinalaan nilang iregularidad, kabilang ang sinasabing ghost project, hindi otorisadong site relocations at bayad para sa structures na nawawala o nagawa na bago pa man magsimula ang mga kontrata.
Sa statement, sinabi ng COA na ang kinukuwestiong mga proyekto ay ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office at ibinigay sa SYMS Construction Trading at Wawao Builders.
Ayon sa COA, sa kanilang imbestigasyon may nakita sila na paulit-ulit na indikasyon ng sistematikong hindi tamang paggamit ng pondo, na nagbunsod sa paghahain ng fraud audit reports bilang bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa flood control projects sa Bulacan.
Mula sa physical inspections, geotagged protographs at historical satellite imagery, iniulat ng audtitors ang pattern ng iregularidad sa mga nasabing proyekto.
Sinabi ng COA, may ilang sites na walang flood control o riverbank protection structures sa kabila na idineklara sa record na nakumpleto ang mga proyekto.
Sa ibang lugar, dinala ang mga inspector sa mga lokasyon na iba mula sa nakasaad sa approved plans at contracts, na walang written authority para sa relocation.
Idinagdag pa ng COA na sa sattelite imagery, ilang istraktura ang nakatayo na bago pa man simulan ang kontrata, na posibleng ginamit ang mga pondo sa mga proyekto na hindi bagong ginawa.
Inilarawan ng COA ang mga nasabing issues na “severe documentation deficiencies,” kabilang ang nawawalang as-built plans, detalyadong cost breakdowns at complete statements of work accomplished, na ayon sa ahensiya ay nagpapahina sa kredibilidad ng accomplishment report at ang ginawang bayad.










