
Pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang notice of disallowance sa ₱73 milyon confidential funds na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Sa pagdinig sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Atty. Gloria Camora ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office na may tatlo pang notice na inilabas kaugnay ng ₱375 milyong confidential fund expenses ng OVP noong 2023.
Ayon kay COA Assistant Commissioner Alexander Juliano, ang notice of disallowance ay nangangahulugang ang paggastos ay maaaring “irregular, unnecessary, excessive, extravagant, o unconscionable.”
Ipinaliwanag din ni Camora na hindi naaayon sa 2015 Joint Circular ang liquidation reports ng OVP sa paggamit ng confidential funds.
Sa ilalim ng naturang rules, ang confidential funds ay dapat gamitin lamang para sa mga operasyong may kinalaman sa national security at peace and order, kabilang ang pagbili ng impormasyon, upa ng sasakyan at safehouses, kagamitan para sa confidential operations, at reward sa informants.
May mga kondisyon din ang paggamit nito tulad ng sapat na dokumentasyon, pag-apruba ng agency head, at direktang kaugnayan sa lehitimong confidential activities na may koordinasyon sa law enforcement agencies.




