
Pinuna ng Commission on Audit o COA ang delay ng DepEd sa pagpirma ng mga kontrata para sa textbooks at iba pang learning materials, na nakaapekto sa napapanahong distribusyon ng mga ito sa mga paaralan.
Ayon sa COA,56 na kontrata na nagkakahalaga ng halos ₱2.5 bilyon para sa textbooks at teachers’ manuals ng Grades 2, 5 at 8 ang naantala nang hanggang halos 60 araw.
Mas mahaba ito sa itinakdang 10 araw para sa contract signing matapos mailabas ang Notice of Award.
Apektado rin ng delays ang self-learning modules, inspection at acceptance ng supplemental learning resources, at ilang project activities.
Ipinaliwanag ng DepEd na kailangang iproseso nang magkahiwalay ang 56 kontrata, kabilang ang legal review at posibleng revisions.
Gayunman, iginiit ng COA na dapat nasubaybayan ng Bids and Awards Committee ang pagsunod sa itinakdang timeline. Sumang-ayon naman ang DepEd na repasuhin ang proseso upang maiwasan ang mga katulad na delay.









