Lumitaw sa 2023 Annual Audit Report ng Commission on Audit (COA) para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang P783,529,617.36 na advance payments sa mga kontratista na hindi pa nababawi hanggang nitong huling bahagi ng taon.
Ang nasabing pondo ay para sa 353 na proyekto ng imprastraktura na natapos, terminated, o naghihintay ng termination ng kontrata.
Nagbabala ang COA na ito ay lumalabag sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA No. 9184 at nagdudulot ng panganib na malaki ang mawawala sa pondo ng gobyerno.
Kabilang sa mga pangunahing natuklasan ng COA ang mga sumusunod:
P388 million para sa 253 na natapos na proyekto
P351.7 million para sa 94 na terminated na mga proyekto
P43.7 million para sa anim na proyektong naghihintay ng termination.
Ang mga hindi nabawing advance payments ay sumasalamin sa kabiguang bawasan ang mga bayad na nag-uutos ng 15 percent na reduction mula sa periodic progress payments ng mga kontratsita hanggang sa ganap na mabayaran ang advances.
Kabilang naman sa mga issue na nakapaloob sa findings ang kabiguan para sa forfeiture ng advance payment bonds sa oras ng termination ng kontrata.
Ganun din sa kakulangan sa monitoring at tamang pagbawas mula sa mga billing ng mga kontratista.
Hindi rin kumpleto ang accounting records at mga pagkakaantala sa progreso ng mga claim ng kontratista.
Maging ang hindi nababawi na advances ay nagdudulot ng malaking halaga ng pondo ng publiko na hindi magagamit ng gobyerno para sa iba pang mahahalagang proyekto.
Dahil dito, iminungkahi ng COA na hilingin ang agarang pagbabayad mula sa mga kontratista o i-forfeit ang kanilang nai-post na bonds.
Dapat ding simulan ang legal na aksyon laban sa mga tumatangging ibalik ang advances.
Mahigpit umanong ipatupad ang pagsunod sa IRR ng RA No. 9184 at mga patakaran ng DPWH sa pagbawi sa advance payments.
Bukod dito, kailangan din na pagbutihin ang mmonitoring mechanisms upang matiyak ang napapanahong pagbawas ng advances mula sa progress billings.
Dapat anilang ipatupad ang mga probisyon ng kontrata na nagpapahintulot sa pagbawas ng advances mula sa mga claim sa iba pang kasalukuyang proyekto na may parehong kontratista.
Kailangan na ipataw ang mga administrative sanctions laban sa mga tauhan na nabigo sa pagsunod sa proseso ng pagbawi.
Samantala, iniulat naman ng DPWH ang patuloy na pagsisikap na tugunan ang isyu ng mga demand letters sa mga kontratista.
Ito ay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga regional offices upang ipatupad ang koleksyon, at pagsasagawa ng mga legal na remedyo.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, binigyang-diin ng COA ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagsunod at karagdagang mga remedial na aksyon upang maiwasan ang karagdagang paglobo ng hindi nababawi na advances.