
Iginiit ng COA supervising auditor Xylene del Campo na irregular ang paggamit ng Office of the Vice President o OVP sa P375 milyong confidential funds noong 2023, partikular ang kabiguang magsumite ng mga resibo o invoice bilang patunay ng mga biniling gamit.
Sa ika-15 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Del Campo na hindi awtomatikong confidential ang pagkakakilanlan ng mga establisimyentong nagsu-supply ng mga produkto. Aniya, maaaring confidential ang layunin ng pagbili ngunit hindi ang supplier, kaya dapat may kaukulang proof of purchase.
Sa cross-examination, tinanong siya ni defense counsel Kristine Ferrer kung anong impormasyon ang maaaring alisin sa mga resibo at invoice, kabilang ang pangalan ng mga nagpapaupa ng safehouse.
Nilinaw naman ni Del Campo na resibo lamang para sa pagbili ng supplies, pagkain, gamot at medical assistance ang hinihingi ng COA. Batay sa accomplishment report ng OVP, P40 milyon ang ginastos nito sa gamot at pagkain mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, 2023.
Ayon kay Del Campo, standard procedure sa lahat ng ahensya ng gobyerno ang pagsusumite ng resibo upang mapatunayan na ginamit talaga ang pondo sa itinakdang gastusin.










