Humihiling ng paglilinaw ang legal counsel ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) sa Executive Order 130 na nagtatakda ng mga patakaran sa suspensyon at pagpapatuloy ng klase tuwing may kalamidad.

Ayon kay Atty. Joseph Estrada, dapat linawin kung ang “concurrence” ng local chief executive ay nangangahulugan ng pormal na pag-apruba bago makapagpatupad ng localized class suspension ang mga paaralan.

Sa ilalim ng kautusan, maaaring magsuspinde ng klase ang mga paaralan kapag may banta sa kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral, basta’t makipag-ugnayan sa kinauukulang lokal na opisyal.

Binigyang-diin ni Estrada na dapat mapanatili ang pag-aaral ng mga estudyante, ngunit hindi rin dapat isakripisyo ang kanilang kaligtasan para lamang makumpleto ang instructional days.

Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hindi na dapat umasa sa malawakang suspensyon kung ligtas at handa nang magbukas ang ilang paaralan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayagan ng EO 130 ang localized suspension at unti-unting pagpapatuloy ng klase sa mga pasilidad na ligtas nang gamitin.