
Iginiit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na hindi sapat ang 172,654 MacBook Neo na planong ipamahagi ng Department of Education (DepEd) upang matugunan ang pangangailangan ng halos 900,000 guro sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay ACT Philippines Chairperson Ruby Bernardo, mahalagang magkaroon ng sariling laptop ang bawat guro upang masuportahan ang pagtuturo at digital learning. Gayunman, hindi pa rin pantay ang distribusyon ng mga kagamitan at may ilan ding hindi nagtatagal.
Binanggit ni Bernardo na nasa 230,000 laptop na ang naipamahagi ng DepEd simula 2022, ngunit marami pa ring guro ang umaasa sa sariling pera para sa mga kagamitan at internet na kailangan sa trabaho.
Dahil dito, nanawagan ang ACT ng sapat na pondo sa 2027 national budget para sa computerization program, karagdagang suporta sa mga guro, pagkuha ng teaching personnel at pagpapatayo ng mga silid-aralan.










