
Inihayag ni outgoing Governor at Vice Governor-elect Manuel Mamba ng Cagayan na gagamitin nila ang lahat ng legal remedies kaugnay sa inilabas na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na papapatibay sa disqualification sa kanyang pagtakbo noong 2022 elections.
Ayon sa kanya, maghahain sila ng apela sa Korte Suprema at hihiling ng Temporary Restraining Order.
Idinagdag pa ni Mamba na mananatili pa rin siyang gobernador hanggang sa June 30 at manunungkulan na vice governor.
Una rito, pinagtibay ng Comelec en banc ang desisyon ng kanilang First Division noong April 2024 na idiskuwalipika si Mamba.
Ito ay may kaugnayan sa petisyon na inihain ni Atty Victorio Casauay laban kay Mamba, sa kanyang asawa na si Mabel, at kapatid na si Francisco Mamba, na noon ay mga kandidato sa gobernador, vice governor, at 3rd district representative ng Cagayan, batay sa pagkakasunod, kung saan namigay sila ng financial aid, scholarship grants, at iba’t ibang transport vehicles sa kanilang constituents gamit ang public funds noong panahon ng 45-day spending ban.
Napatunayan ng Comelec na nilabag ni Mamba ang ilang probisyon ng Omnibus Election Code at Comelec Resolution No. 10747, na nagbabawal sa paglalabas, disbursement, o paggastos ng public funds mula March 25 hanggang May 8, 2022.