Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na humihiling na idiskuwalipika ang nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ sa pagtakbo sa 2025 elections.

Sa desisyon, sinabi ng Comelec First Division na may kakulangan sa ebidensiya na iprinisinta ng naghain ng petisyon para makumbinsi sila na ideklara si Quiboloy na nuisance candidate.

Inakusahan sa petisyon na inihain ni labor leader Sonny Matula si Quiboloy ng “material misrepresentation” at hiniling sa Comelec na idiskuwalipika siya bilang senatorial candidate sa pagsasabing ang nominasyon sa kanya ng Workers’ and Peasants’ Party (WPP) ay walang factual at legal basis.

Sinabi ni Matula na ang certificate of nomination and acceptance (CONA) ni Quiboloy ay nilagdaan ng isang Mark Tolentino, na hindi umano opisyal o miyembro ng WPP.

Subalit, sinabi ng Comelec na ibinasura nila ang petisyon dahil sa kabiguan ni Matula na tumugon sa mga alintuntunin at nabigo siya na patunayan na nuisance candidate si Quiboloy at ang pagsusumite ng hindi otorisadong CONA ay hindi nanangagulugan na ito ay material misrepresentation.

-- ADVERTISEMENT --