Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na ipatutupad nito ang maagang oras ng pagboto para sa mga kabilang sa vulnerable sector sa darating na 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Disyembre 1.
Ayon sa Comelec Resolution No. 11154, maaaring bumoto mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga ang mga senior citizen, buntis, at persons with disabilities (PWDs) sa kanilang nakatalagang voting centers.
Magsisimula naman ang regular na oras ng botohan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Layunin ng maagang pagboto na gawing mas maayos, ligtas, at accessible ang halalan para sa mga sektor na nangangailangan ng karagdagang konsiderasyon.
Ipinatupad na rin ito ng Comelec sa nakaraang midterm elections at muling isasagawa ngayong taon bilang bahagi ng kanilang inclusivity efforts sa electoral process.
Samantala, tuloy pa rin ang nakatakdang 10-araw na nationwide voter registration mula Agosto 1 hanggang 10, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Ito ay sa kabila ng nakaambang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang batas na nagpapalawig ng termino ng barangay at SK officials mula tatlo hanggang apat na taon at nagpapaliban ng halalan sa Nobyembre 2026.
Tiniyak ni Garcia na kahit maisabatas ang postponement, walang mababago sa iskedyul ng registration.