Nakikipag-ugnayan ang Commission on Elections (Comelec) sa Philippine consulate sa Hong Kong upang beripikahin ang mga ulat ng umano’y vote-buying sa political rally para sa Eeleksyon 2025.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, kukumpirmahin pa ng poll body ang social media posts na nagsabing lahat ng overseas Filipino voter na dumalo sa political rally ay nakatanggap ng HKD200 o nasa P1,500, dahil posibleng ito ay fake news.
Nakasaad sa maraming social media posts na namahagi ang political slate ng nasabing halaga sa bawat dumalo para impluwenhsiyahan umano sila na iboto ang kanilang senatorial candidates.
Sinabi ni Garcia na kailangan na may magreklamo o sulat tungkol sa nasabing insidente subalit kung mapapatunayan na totoo, ang mga kandidato ay mahaharap sa disqualification case.
Ipinaliwanag ni Garcia na kung totoo ang alegasyon, walang hurisdiksion sa kaso ang Comelec at Pilipinas dahil nangyari ito sa labas ng bansa, dahil sa territorial ang ating mga batas.
Subalit, sinabi niya na dahil ito ay usapin ng umano’y vote-buying, hindi hindi sila papayag na wala silang makukuha na impormasyon kung ito ay totoo o hindi.
Ayon sa kanya, maaaring walang criminal case ang mga sangkot, subalit puwedeng maghain ng disqualification cases kahit ang paglabag ay nangyari sa labas ng bansa.
Sinabi ni Garcia na sa sandaling makatanggap sila ng reklamo o sulat, iyiindorso ng Comelec ang kaso sa Committee on Kontra Bigay, ang programa na inilunsad ng poll body noong Pebrero na inatasang magpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang laban sa vote-buying, vote-selling, at ang pang-aabuso sa state resources para sa nalalapit na halalan sa buwan ng Mayo.