Ipinasa ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga source code ng automated election system (AES) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngayong araw bilang bahagi ng kanilang pangako na tiyakin ang malinis at tapat na halalan sa 2025.
Ipinakita ng Comelec na nagsagawa sila ng pagsusuri sa “trusted build” ng counting system, kung saan inimbita nila ang mga eksperto sa IT, media, mga partido pulitikal, at iba pang stakeholders upang makita kung paano isasagawa ang pagboto sa darating na midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mahalagang malaman ng publiko kung anong mga hakbang ang kanilang ginagawa.
Dagdag pa ni Garcia na masasabi nang protektado ang mga source codes ng tatlong system dahil nasa BSP na mismo ang mga ito.
Ipinakita ng mga opisyal ng COMELEC ang tatlong sobre na naglalaman ng mga source codes para sa consolidation and counting system, election management system, overseas internet voting and counting system, at automated counting machines.
Ang mga sobre ay inilagay sa isang security box at ipapasok sa vault ng BSP.