Sisimulan na ngayong araw, March 25 pagdinig ng House Committee on Justice sa mga reklamo ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ito ay matapos matukoy ng komite na ang dalawang impeachment complaints ay sapat sa porma, nilalaman, at batayan.

Inilarawan ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, ang chairman ng komite, na ang yugtong ito ay katulad ng preliminary investigation sa isang criminal complaint.

Sa pagdinig, binibigyan ng pagkakataon ang mga nagrereklamo at ang depensa na iprisinta ang kani-kanilang documentary evidence at mga saksi.

Sinabi ni Luistro na kailangan munang maresolba ng House justice panel ang mga motions na humihiling ng subpoena o pagpapatawag sa mga saksi at ang pagkuha ng mga dokumento na itinuturing na mahalagang ebidensya sa mga reklamo.

-- ADVERTISEMENT --

Ang dalawang impeachment complaints laban sa Pangalawang Pangulo ay nag-aakusa sa kanya ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution dahil sa mga sumusunod:

Pagbabanta na papatayin si Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kanyang pamilya sa isang online press briefing,
Di-awtorisadong paggamit ng P612.5 milyon mula sa confidential funds,
Di-pagdeklara ng ari-arian, at
Pang-aabuso sa kapangyarihan at panunuhol gamit ang confidential funds.

Sa kanilang tugon, humiling ang kampo ni Sara Duterte na ibasura ang mga impeachment complaints, dahil hindi umano impeachable offense ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sinabi ni Michael Poa, isa sa mga abogado ni Duterte, hindi dadalo ang Pangalawang Pangulo sa unang pagdinig sa impeachment complaint sa Marso 25.

Sa kabila nito, sinabi ni Luistro, magpapatuloy pa rin ang unang pagdinig ng House justice committee kahit na natanggap nila ang impormasyon na hindi makikilahok ang kampo ni Duterte sa pagdinig.