
Naglabas ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) laban sa apat na kandidato mula sa Isabela, Nueva Vizcaya, at Santiago City dahil sa umano’y vote-buying.
Kabilang sa pinangalanan sa order ay sina Santiago City Mayor Sheena Tan-Dy, 4th District Representative Joseph Tan, Santiago City Councilor Sherman Miguel, at Villaverde town council candidate Jerry Jose.
Nasa ilalim sila ngayon ng imbestigasyon matapos silang ireklamo sa umano’y pamimigay ng pera at mga produkto kapalit ng boto.
Si Tan-Dy, Tan, at Miguel ay kapwa tumatakbo para sa re-eleksiyon ngayong Mayo.
Ayon sa reklamo, sina Tan-Dy at ang kanyang tiyuhing si Rep. Tan ay namahagi umano ng pera habang nangangampanya, samantalang si Miguel ay inakusahan ng pamimigay ng 20 bote ng sports drink bilang kapalit ng suporta.
Si Jerry Jose naman ay nahaharap din sa parehong paratang.
Inutusan ng Comelec ang apat na magsumite ng kanilang paliwanag sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng order.
Kapag nabigong magsumite, ito’y ituturing na pagwawaksi sa kanilang karapatang marinig, at maaaring magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.