Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes ang Project SURI — isang digital platform na magpapahintulot sa online na pagsusumite ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga kandidato sa lokal at pambansang halalan.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, layunin ng proyektong ito na gawing mas mabilis, magaan, at mas sistematiko ang proseso ng paghahain ng mga ulat sa ginastos ng mga kandidato.

Ang web application ay pinondohan ng pamahalaan ng Japan sa halagang ¥234 milyon o mahigit P91 milyon, bilang bahagi ng paghahanda para sa halalan sa Bangsamoro Autonomous Region.

Sa ilalim ng batas, partikular sa Section 14 ng Republic Act No. 7166, obligadong magsumite ng kumpleto, totoo, at detalyadong ulat ng lahat ng natanggap na donasyon at ginastos sa panahon ng kampanya ang bawat kandidato o ingat-yaman ng isang partidong politikal, sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.

Sa pamamagitan ng Project SURI, maiiwasan na ang pisikal na pagpunta sa mga tanggapan ng Comelec dahil maaari nang gawin ito sa loob ng bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Garcia, balak ng Comelec na gawing pamantayan ang online submission sa lahat ng darating pang eleksyon, hindi lang sa rehiyon ng Bangsamoro.