Handa na ang Commission on Elections (Comelec) para sa special election sa Agosto 29 na magtatakda sa papalit kay dating Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, naipamahagi na ang mga election materials kabilang ang mga balota para sa halalan sa Dasmariñas City.

Umaasa si Garcia na aabot sa 60 hanggang 65 porsyento ang voter turnout sa special election at target ng Comelec na maiproklama ang mananalo sa Agosto 30.

Sinabi ni Garcia na karaniwang mababa ang turnout sa mga plebisito at special election, ngunit mahalaga aniya na makaboto ang mga residente upang magkaroon muli ng kinatawan ang Dasmariñas sa Kamara.

Naging bakante ang posisyon matapos patalsikin ng House of Representatives si Barzaga noong Hunyo dahil sa disorderly behavior at conduct unbecoming of a House member, kabilang ang paulit-ulit na hindi pagtupad sa kanyang mga tungkulin bilang mambabatas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay House ethics panel chairperson at 4Ps party-list Representative JC Abalos, expulsion ang nararapat na parusa kay Barzaga dahil hindi nito binago ang kanyang mga naging paglabag kahit dalawang beses na itong nasuspinde ng tig-60 araw nang walang sahod.