Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na dadating sa The Hague, Netherlands ang common-law wife ng dating Pangulong Duterte na si Honeylet at ang anak nitong si Kitty Duterte.
Hindi naman masabi ni VP Sara kung dadalaw din sa dating pangulo ang panganay na anak na si Cong. Pulong Duterte.
Malabo naman aniyang makapunta sa ika-80 kaarawan ng dating pangulo si Davao City Mayor Sebastian Duterte.
Ayon kay VP Sara, posibleng pagkatapos na ng halalan makalipad ng The Netherlands si Mayor Baste dahil kailangan aniya nitong asikasuhin ang pangangampanya sa Davao.
Si Mayor Baste aniya kasi ang tumutulong sa kampanya ng mga kandidato sa pagka-konsehal ng Davao.
Una nang kinumpirma ni VP Sara na dadating sa mismong kaarawan ng dating pangulo ang kanyang ina na si Elizabeth Zimmerman.