
bumaba ng 8.8 porsyento ang pinagsamang confidential at intelligence funds sa panukalang 2027 national budget, ayon sa department of budget and management o dbm.
Ayon kay DBM acting secretary Kim Robert de Leon, nasa 10.773 bilyong piso ang inilaan para sa confidential at intelligence funds, mas mababa kumpara sa 11.818 bilyong pisong nakalaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Binubuo ito ng 4.368 bilyong piso para sa confidential funds at 6.405 bilyong piso para sa intelligence funds.
Sinabi ni De Leon na mananatili ang mga ahensyang tumanggap ng naturang pondo noong 2026, bagama’t bahagyang tataasan ang alokasyon sa Philippine National Police. Gayunman, mas mababa pa rin ang panukalang pondo ng mga ahensya kumpara sa kanilang kasalukuyang 2026 allocation.
Tanging mga ahensyang legal na awtorisadong magsagawa ng confidential at intelligence functions ang makatatanggap ng naturang pondo, na mananatiling saklaw ng umiiral na mga patakaran sa paggamit, liquidation at auditing.
Samantala, umabot naman sa 7.2 trilyong piso ang kabuuang panukalang 2027 national budget, o 407 bilyong piso na mas mataas kumpara sa 2026 budget.
Dadaan pa sa pagsusuri ng Kongreso ang panukalang budget bago tuluyang maisabatas.










