
Iniutos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang lifestyle check sa 26 miyembro ng House of Representatives na pinaghihinalaang sabay na nagsisilbing government contractors o tinaguriang congtractors.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakatalaga na ang mga kaso sa investigative teams para sa mas malalim na imbestigasyon. Nakuha na rin ng tanggapan ng Ombudsman ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng mga naturang mambabatas matapos makatanggap ng intelligence report na may ilang kongresista ang may kaugnayan sa contracting firms na nakikipagtransaksyon sa gobyerno, na ipinagbabawal ng batas.
Hinihintay pa ng Ombudsman ang SALN ng isa pang indibidwal na si Ponyong Gabonada, habang inihahanda na rin ang ikalawang batch ng mga hihinging SALN mula sa Kamara.
Sa ilalim ng Republic Act 6713, inaatasan ang mga opisyal ng gobyerno na mamuhay nang naaayon sa kanilang kita at iwasan ang labis na pagpapakita ng yaman.
Samantala, tiniyak ni Clavano na patuloy ang kampanya laban sa korapsyon, kabilang ang imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control. Sa ngayon, tatlong batch pa lamang ng kaso ang naisampa, kabilang ang mga reklamong graft at malversation laban kina dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, contractor Sarah Discaya, at dating senador Ramon Bong Revilla Jr., kasama ang iba pang opisyal, kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.










