Papalitan ng pangalan ang Conner District Hospital sa lalawigan ng Apayao bilang Apayao General Hospital and Medical Center, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Glenn Mathew G. Baggao, ang pagpapalit ng pangalan ay bahagi ng mas malaking plano upang iangat ang ospital bilang isang Level III hospital—isang kumpleto, digitalized, at accredited na pasilidad na magsisilbing sentro ng serbisyong medikal at pagsasanay hindi lamang para sa Apayao, kundi pati na rin sa mga karatig na lalawigan.

Sinabi rin ni Baggao na dahil sa patuloy na pagdami ng pasyente ay ia-upgrade na ang bed capacity ng hospital mula 100 patungong 200.

Isasagawa ang pagpapalit ng pangalan sa pamamagitan ng batas, na may buong suporta mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao.

Inaasahang magiging mas moderno at mas komprehensibo ang serbisyo ng ospital, kasabay ng pagsunod sa layunin ng pamahalaan na palakasin ang access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga probinsya.

-- ADVERTISEMENT --