Sinampahan na ng kaso sa Office of the Ombudsman ang umano’y mga nasa likod ng maanomalyang multi-billion-peso flood control projects sa bansa.
Magkasama sina Commission on Audit chair Gamaliel Cordoba at Public Works Secretary Vince Dizon na nagsampa ng kaso laban sa mga contractors na Wawao Builders at sa St. Timothy na pag-aari ni Sara Discaya at Syms Construction Trading na sinasabing nagkaroon umano ng ghost project at substandard flood control projects sa Bulacan.
Kasama sa mga kinasuhan sina dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, kanyang assistant district engineer Brice Hernandez, Project Engineer Paul Duya, at Construction Section Chief Jaypee Mendoza.
Ang kaso ay naisampa sa Ombudsman kahit na may isinasagawang pagdinig ang Senado hinggil sa anomalya sa flood control projects.
Una nang sinabi ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya na pinilit umano sila ng mga tiwaling opisyales ng gobyerno na makiisa sa maanomalyang biddings at nagbigay sila ng malaking halaga ng pera kapalit ng kontrata.
Ang akusasyon ng mag-asawang Discaya ay pinabulaanan na ng mga inaakusahang opisyal ng gobyerno.