Huli ang isang 32-anyos na construction worker, dahil sa panghahalay umano sa isang 17-anyos na dalagita at estudyante sa Quezon City.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), sinabi ng dalagita na naganap umano ang panghahalay sa kanya noong gabi ng Sabado sa isang bakanteng lote na taniman ng mga saging sa Barangay Bagong Silangan.
Sinabi ng NCRPO na kagagaling ng dalagita sa paaralan at nagpaalam sa kanyang ina na bibili lang ng pagkain at school supplies.
Habang naglalakad na pauwi ang dalagita, nilapitan siya ng suspek na laasing at inakbayan siya.
Kasunod nito ay binantaan umano siya ng suspek na papatayin kung sisigaw, kasabay ng pagkaladkad sa kanya sa madilim at bakanteng lote kung saan isinagawa umano ang panghahalay.
Pagkatapos ng insidente ay humingi ng tulong ang dalagita sa mga nagpapatrolya na mga pulis, na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek.
Sumailalim sa genital examination ang biktima sa medical division ng Philippine National Police Forensic Group sa Camp Crame.
Samantala, nasa kustodiya ng Quezon City Police District ang suspek at sinampahan ng kaukulang kaso.