Sinibak ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang chief of police ng isang lungsod sa Rizal sa inilarawan niyang tamad na paghawak sa isang kaso ng pagnanakaw.
Inihayag ito ni Torre kasabay ng flag-raising ceremony sa Camp Crame kaninang umaga.
Ayon kay Torre, nakatanggap siya ng impormasyon na pinauwi lang ng city police ang isang negosyante matapos itong magsumbong na dalawa sa kanyang mga empleyado ang bigla na lamang nawala kasama ang mga nawawalang halaga ng salapi.
Sinabi lang umano ng mga awtoridad na ihahanda na lamang nila ang ihahain ang kaso sa korte.
Ayon kay Torre, ipinadala sa kanya impormasyon sa pamamagitan ng text message.
Dahil dito, tinawagan niya ang provincial director ng PNP Rizal at sinabing pagpapakita ito ng katamaran ng kanilang personnel, dahil hindi pwedeng sabihin na tapos na ang kanilang trabaho dahil sa inihahanda ang paghahain ng kaso.
Ayon kay Torre, kasunod ng pakikipag-ugnayan sa kanila, naaresto ng pulisya sa isang probinsya sa Negros Island Region ang dalawang suspek at narekober ang P500,000 halaga ng nawawalang pera.
Hindi na nagbigay pa ng karagdagang impormasyon si Torre sa pagkakakilanlan ng police chief, businessman at ng dalawang empleyado maging ang kabuuan ng insidente.
Kasabay nito, nanawagan si Torre sa publiko na ipagbigay-alam lamang sa kanilang tanggapan ang ganitong mga insidente at sisibakin ang mga sangkot.