Nasawi ang isang kandidato sa pagkakonsehal at kapatid ng barangay chairman matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Rinabor, Bayang, Lanao del Sur, nitong Lunes ng umaga, Araw ng Halalan.

Kinilala ng Lanao del Sur Police Provincial Office ang mga biktima bilang sina Afganie “A’Luv” Balt Taha at Walid Balt Taha.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-8 ng umaga ay papunta ang dalawa sa Mauyag Papandayan National High School upang bumoto nang bigla silang pagbabarilin ng di-pa-nakikilalang salarin.

Sa isang press briefing, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Jopy Ventura, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), na agad na dinala sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara silang dead on arrival.

Sa kasalukuyan ay patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

-- ADVERTISEMENT --