Nilinaw ni Councilor Jude Bayona ng Tuguegarao na noong nakaraang sesyon ay handa na sanang ipasa ng City Council ang 2025 executive budget na may kabuuang pondo na higit sa P1 bilyon.
Subalit, nagkaroon umano ng ilang mga pagbabago sa 2025 personnel schedule na naging sanhi ng pagkaantala ng proseso.
Ayon kay Bayona, ang mga empleyado mula sa General Service Office, tulad ng mga street sweepers at garbage collector, ay nailipat na sa bagong departamento na City Environment and Natural Resources Office (CENRO).
May mga iba ring empleyado rin na inaasahang maililipat sa parehong departamento, kaya’t kinakailangang i-amend ang 2025 personnel schedule upang masiguro na magiging tumpak at naaayon ito sa mga pagbabago.
Dagdag pa ni Bayona, nagkataon na hindi pa tapos ang committee report mula sa Human Resources, kaya’t hindi pa pwedeng aprubahan ang budget hanggat hindi naa-aprubahan ang naturang personnel schedule.
Aniya, kinakailangan munang ayusin ito bago magpatuloy ang proseso.
Sa kabila nito ay, tiniyak naman ni Bayona na maaaprubahan ang executive budget sa o bago ang pagtatapos ng taon, sa Disyembre 31, 2024.