Lumampas na sa isang libo ang bilang ng mga namatay may kaugnayan sa COVID-19 sa buong lambak ng Cagayan ayon sa Department of Health.

Sa pinakahuling datos ng DOH Center for Health Development- Cagayan Valley as of May 24, 2021, umakyat na sa 1,022 ang pumanaw dahil sa virus kung saan 24 katao ang bagong namatay sa rehiyon.

Umakyat naman sa 3,175 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon, matapos maitala ang 453 na panibagong kaso.

Nangunguna naman ang lalawigan ng Cagayan sa may pinakamataas na aktibong kaso sa limang probinsiya sa rehiyon na umabot sa 1,276.

Sinundan ito ng lalawigan ng Isabela na may 1,227 aktibong kaso; Nueva Vizcaya sa 480; Quirino sa 150; at Santiago City sa 42.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, 564 panibagong paggaling naman ang naitala ng DOH RO2 kung saan umabot na sa 37,111 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa kabuuang bilang na 41,320 na tinamaan ng virus mula ng nagkapandemya.

Patuloy naman ang kagawaran sa pagbibigay ng paalala sa publiko na palagiang sundin ang minimum health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.