TUGUEGARAO CITY-Nagsimula nang mag-operate ang covid-19 testing laboratory ng Department of Health (DOH)-Region 2 kahapon, Mayo 27, 2020.
Ayon kay OIC Assistant Regional Director Dr. Leticia Cabrera ng DOH Region 2,sa unang araw ng kanilang pag-ooperate, nakatanggap ang kanilang ahensiya ng 31 specimen mula sa Cagayan Valley Medical Center, isang private hospital sa lungsod ng Tuguegarao at sa Southern Isabela Medical Center, ngunit walo lamang ang kanilang na-test kung saan lahat ay negatibo sa virus.
Paliwanag ni Cabrera, nahuling dumating ang ilang specimen mula sa Isabela kung kaya’t ngayong araw na lamang isasailalim sa covid-19 test.
Aniya, iisang GeneXpert machine ang kanilang ginagamit kung saan nasa 32 hanggang 36 na specimen ang maaari lamang I-test kada walong oras.
Dahil dito, sinabi ni Dr. Cabrera na prioridad pa lamang ng ahensiya ang mga specimen na manggagaling sa rehiyon.
Mayroon namang walong medical technologist na dumaan sa pagsasanay ang nag-ooperate sa naturang laboratoryo kung saan sila ay nahati sa dalawa para magsalitan sa pag-ooperate.
Siniguro naman ng ahensiya na sapat ang PPE o Personal protective equipment ng kanilang mga staff para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Samantala,sinabi ni Dr. Cabrera na isang testing machine ang inaasahang darating para sa naturang ahensiya sa susunod na linggo bilang tugon sa kanilang request na karagdagang machine.