Umabot sa rekord na antas ang credit card at salary loans ng mga Pilipino, ayon sa Financial Stability Coordination Council o FSCC, na nagbabala na mas mabilis na lumalaki ang utang ng mga mamamayan kaysa sa kanilang kita.

Batay sa ulat ng FSCC, lumago ng average na 15.7 porsiyento kada taon ang retail loans mula 2021 hanggang 2025, habang umakyat naman ng 27.7 porsiyento ang unsecured loans tulad ng credit card at salary loans. Sa parehong panahon, 5.8 porsiyento lamang ang itinaas ng kita ng mga kabahayan.

Naging ikalawang pinakamalaking bahagi ng consumer loans ang credit card receivables na may 30.9 porsiyento, kasunod ng housing loans, at ito rin ang nagtala ng pinakamabilis na paglago sa nakalipas na anim na taon.

Ayon sa FSCC, bagama’t nakatulong ang mas malawak na access sa credit at digital payments sa financial inclusion, maaari rin itong magdulot ng panganib kung patuloy na lalayo ang paglago ng utang kumpara sa kita ng mga mamamayan.

Nagbabala rin ang konseho na maaaring maging mas mahirap para sa ilang pamilya ang pagbayad ng kanilang mga utang kapag nakaranas ng mga krisis sa ekonomiya, na posibleng makaapekto rin sa sektor ng pagbabangko.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi ng FSCC na nananatiling nasa maayos na kalagayan ang karamihan sa mga nangungutang at patuloy na pinapalakas ng mga bangko ang kanilang credit risk management at collection systems upang mapanatiling kontrolado ang mga panganib.