Muling pinatunayan ng Cagayan State University (CSU) Andrews Campus ang husay sa Allied Health Sciences matapos na makapagtala ng tatlong national topnotchers sa katatapos na Medical Technologist Licensure Examination (MTLE).
Batay sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission o PRC, sa mga bagong rehistradong Medical Technologist, Rank 3 si Trina Orro Bernal na nakakuha ng 91.80% rating, Rank 5 si Precious Fernandez Tabbu sa nakamit na 91.30% passing rate habang Rank 9 si Angelica Mae Lizardo Balino sa naitalang passing rate na 90.70%.
Nakapagtala rin ang CSU Andrews Campus ng 92.49% passing rate sa naturang board exam na ginanap nitong buwan ng Marso.
Nabatid na 160 mula sa 173 examinees na graduate sa College of Allied Health Sciences ng CSU Andrews Campus (CAHS) ang matagumpay na nakapasa sa naturang pagsusulit.
Samantala, iniulat ng PRC na 6,147 sa 7,659 examinees sa buong bansa ang pumasa sa licensure examination na kung saan naitala ang national passing rate na 80.26%.
Matatandaan na naging top 1 performing school ang CSU para sa Respiratory therapist sa buong bansa matapos nitong maitala ang 100 percent passing rate kung saan mayroon itong 25 national toptochers nitong buwan ng Pebrero.