Muling nakapagtala ang Cagayan State University ng 100 percent passing rate sa February 2025 Respiratory Therapists licensure exams at nanguna sa listahan ng top-performing schools.
Sinabi ni Dr. Julius Capili, dean ng College of Allied Health Sciences, nakapasa ang lahat ng 139 na kumuha ng pagsusulit.
Bukod dito, sinabi ni Capili na may 25 din na top notchers ang CSU kabilang ang rank two at rank three.
Sinabi ni Capili, nagbunga ang pagsisikap at pagod ng mga mag-aaral at maging ng lahat ng mga tumulong sa kanila, mula sa kanilang pag-aaral, graduation hanggang sa kanilang board exam review.
Kaugnay nito, sinabi ni Capili na nakatulong sa tagumpay ng kanilang mga mag-aaral ang kanilang mga ipinapatupad na mga patakaran, mula sa mahigpit na screening, pagtutok sa kanilang pag-aaral, internship at maraming iba pa.
Ayon sa kanya, pagkatapos ng graduation ng kanilang mga mag-aaral, patuloy pa rin silang minomonitor ng eskwelahan sa kanilang review at nagbibigay din ng karagdagan na tulong para mapanatili ang kanilang tiwala sa sarili at matiyak na sila ay papasa sa board exam.
Dahil dito, sinabi niya pag-uusapan pa ng CSU ang mungkahi na maglaan ng P1 million na incentives sa mga passers lalo na sa mga top notchers.