

TUGUEGARAO CITY- Nasa high risk na ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa covid-19 patients.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief na full capacity na o wala na silang paglalagyan ng mga pasyente na may covid-19.
Ayon sa kanya, sa ngayon ay 213 ang covid-19 related patients ang naka-admit sa ospital kung saan nasabing bilang 174 ang confirmed cases habang 39 ang suspected cases na inilagay sa bagong pinasinayaan na pasilidad para sa mga may covid na mayroon lamang 18 rooms.
Dahil dito, sinabi ni Dr. Baggao na kailangan nilang magpatayo ng karagdagang malalaking tents na may 10 bed capacity para sa suspected cases.
Bukod dito, sinabi niya na maaaring mamamayang hapon ay gagamitin na rin nila ang Community Isolation Unit ng DOH Region 2 na may 64 beds na pansamantalang isinara nang bumaba ang kaso ng covid-19 sa rehion.
Ayon sa kanya, pumayag ang DOH na ipagamit ang nasabing pasilidad at ang CVMC na ang mamamahala dito upang may paglalagyan sa iba pang pasyente.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na nagkukumahog na rin ang kanilang mga staff sa molecular laboratory sa pagsusuri sa mga dinadalang specimen dahil sa kulang na kulang na rin sila ng mga tauhan doon.
Ayon sa kanya, bagamat may sapat silang PCR machine ay hindi kinakaya ang mabilis na turn around ng resulta dahil sa umaabot sa halos 1, 000 araw-araw ang dinadala sa molecular lab na mga specimen.
Dahil dito, nakikiusap na rin siya sa mga private hospitals at maging sa mga district hospitals na huwag munang i-refer sa CVMC ang mga asymptomatic at mild cases ng covid-19 dahil wala ng paglalagyan sa mga ito subalit prayoridad pa rin nila ang mga sever at critical patients.
Idinagdag pa ni Baggao na sinuspindi na rin nila ang operasyon ng kanilang out patient bilang pag-iingat sa hawaan ng covid-19.




