TUGUEGARAO CITY- Patuloy na gumagawa ng paraan ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC para ma-accomodate ang lahat ng covid-19 patients.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na kinuha na rin nila ang serbisyo ng dalawang hotels sa lungsod ng Tuguegarao para paglipatan sa mga pasyente na pwede nang i-discharge matapos na maka-recover mula sa virus.
Sa katunayan, sinabi ni Baggao na nakapaglipat na sila ng 13 pasyente sa hotel para sa kanilang quarantine bago sila payagan na makauwi sa kanilang mga tahanan.
Sinabi ni Baggao na kailangan nilang gawin ito dahil sa may 32 pa ang naghihintay na mga pasyente na nasa tent sa labas ng covid ward kung saan sa nasabing bilang ay walo ang positibo sa covid-19 na kailangan na mailipat sa kwarto.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na tumataas pa ang bilang ng mga dinadala sa CVMC na covid-19 patients kung saan ay umaabot na ito sa 214 kahapon.
Sa nasabing bilang, 181 ang confirmed cases, karamihan ay mula sa Cagayan na may 164 at sa nasabing bilang ay 97 ang mula sa lungsod ng Tuguegarao.
15 naman ang confirmed cases mula sa Isabela , isa sa Kalinga at isa sa Apayao.
Sinabi ni Baggao na 33 naman ang suspected case o ang mga naghihintay ng resulta ng kanilang swab test results.
Sinabi ni Baggao na ang nakikita nilang dahilan ng mabilis na pagdami na naman ng kaso ng covid-19 ay sa kanilang palagay na mayroon nang delta variant sa lokalidad.
Sa kabila nito, sinabi ni Baggao na sapat ang supply nila ng oxygen tanks, mga ventilators, mga gamot at iba dahil sa may ibinababa naman na pondo ang Department of Health central office at Regional Office