Umapela ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa publiko na iwasan ang diskriminasyon sa mga health workers ng naturang pagamutan na itinalagang COVID-19 hospital sa Cagayan.

Inihayag ito ni Dr Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC sa harap ng ulat na nakararanas ng diskriminasyon ang ilang frontliners ng pagamutan.

Ayon kay Dr. Baggao, ilang mga nurses ang nagrereklamo dahil hinaharang umano sila ng ilang barangay officials habang ang ilan ay hindi na rin sila pinapatuloy ng kanilang mga landlords sa inuupang bahay sa takot na mahawaan ng virus.

Iginiit ni Dr. Baggao na nakasuot ng fully protective gears ang mga doctor at nurses na nakatutok sa mga covid 19 patients at nadi-dis-infect bago sila lumabas sa health facility kung kaya huwag panindirihan ang mga ito.

Hindi rin aniya lahat ng mga kawani sa pagamutan ay nakatutok sa mga COVID-19 patients.

-- ADVERTISEMENT --

Sa katunayan, inilaan ng CVMC ang bagong gusali ng Out Patient Department (OPD) na para lamang sa kwarto ng mga doctor at nurse na pangunahing humaharap sa paglaban sa virus.

Una na ring isinailalim sa quarantine ang mga doktor at ilan pang medical staff matapos na direktang ma-expose sa pasyenteng nagpositibo COVID-19 upang mapangalagaan at matiyak na nasa maayos na kundisyon ang mga health workers.

Makakaasa naman aniya ang publiko na ginagawa ng CVMC ang lahat ng makakaya upang mapagsilbihan ng maayos ang lahat ng nangangailangan ng tulong nila.

Samantala, hanggang nitong Huwebes, March 26, 2020 ay tatlo na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cagayan.