Tumanggi ang mga awtoridad sa Czech Republic na magbigay ng detalye kaugnay ng napaulat na pagkakadetine kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, alinsunod sa mahigpit na batas sa privacy sa Europa.

Ayon kay Col. Ondrej Moravcik ng Police of the Czech Republic, hindi sila maaaring magbigay ng impormasyon hinggil sa anumang partikular na kaso. Aniya, maaaring ang Ministry of Justice of the Czech Republic ang maglabas ng pahayag ukol dito.

Gayundin, itinuro ng Directorate of the Foreign Police Service ang media sa justice ministry para sa karagdagang impormasyon. Gayunman, sinabi ng tagapagsalita ng naturang ahensya na hindi sila maaaring magbigay ng detalye at kailangan direktang makipag-ugnayan sa ministry.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng justice ministry na nakikipag-ugnayan sila sa Ministry of the Interior of the Czech Republic at sa pambansang pulisya, ngunit hindi pa maaaring maglabas ng impormasyon hangga’t hindi pa beripikado ang kasalukuyang estado ng kaso.

Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na si Co ay naaresto matapos umano itong mapigilan sa border ng Germany at Czech Republic nang walang dalang sapat na dokumento.

-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nadetine si Co sa Prague dahil sa kakulangan ng travel documents.

Si Co, na nahaharap sa kasong graft at malversation sa Sandiganbayan, ay idineklarang fugitive ng korte. Itinanggi naman niya ang mga alegasyon na may kinalaman sa kickbacks at umano’y paglalagay ng pondo sa pambansang budget.

Ayon sa mga awtoridad, saklaw ng mahigpit na General Data Protection Regulation ang kaso, kaya’t limitado ang maaaring ibahaging impormasyon tungkol sa isang indibidwal. Binanggit din ng Czech police na bagama’t may ilang pagkakataong maaaring maglabas ng detalye, nananatiling mahigpit at restriktibo ang umiiral na batas sa Europa pagdating sa ganitong mga usapin.