Sinabi ng Czech Ministry of Justice na wala pa silang natatanggap na opisyal na impormasyon kaugnay ng umano’y pagkakaaresto kay Zaldy Co, dating kongresista ng Ako Bicol party-list.

Ayon kay Markéta Andrová, tagapagsalita ng nasabing ahensya, nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente.

Batay sa mga ulat, napigilan si Co kasama ang kanyang pamilya sa isang border check habang papasok sa Germany mula sa Czech Republic. Dahil umano sa kakulangan ng travel documents, ibinalik sila sa Czech Republic at isinailalim sa imbestigasyon.

Samantala, kinumpirma ni Jonvic Remulla, Kalihim ng Department of the Interior and Local Government, na kasalukuyang nasa isang immigration detention facility si Co matapos umanong maituring na undocumented foreign national.

Ayon sa batas ng Czech Republic, maaaring ipatupad ang administrative expulsion laban sa mga dayuhang walang sapat na dokumento, na maaaring magresulta sa pagpapauwi at pagbabawal na makapasok muli sa Schengen Area.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Remulla, posibleng maibalik sa Pilipinas si Co sa loob ng isa hanggang apat na linggo sa pamamagitan ng deportation o sa tulong ng Interpol red notice.

Patuloy pa ang koordinasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa Czech authorities para sa agarang pagbabalik ng dating mambabatas sa bansa.