
Inilunsad ng Department of Agriculture ang isang buwang pagdiriwang bilang pagkilala sa mga magsasaka at mangingisda, kasabay ng pagtutulak ng modernisasyon at dagdag na suportang pinansyal sa sektor.
Sinimulan noong Mayo 4 ang National Farmers and Fisherfolk’s Month sa pamamagitan ng sabayang aktibidad sa iba’t ibang rehiyon. Layunin nitong kilalanin ang ambag ng mga manggagawa sa agrikultura habang tinutugunan ang hamon ng mataas na gastos at epekto ng pagbabago ng klima.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinapalakas ng kagawaran ang mga programang magpapalawak ng access sa makabagong teknolohiya, de-kalidad na inputs, pondo, at merkado upang mapataas ang produksyon at kita ng sektor.
Ipinabatid din sa pamamagitan ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra na patuloy ang pagpapalakas ng tulong pinansyal para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon, kasabay ng pagpapatupad ng modernisasyon upang maging mas matatag at episyente ang agrikultura.
Alinsunod sa direktiba ni pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinalalawak din ng ahensya ang irigasyon, imbakan, insurance coverage, at access sa pautang, pati ang pagsusulong ng climate-smart agriculture.
Binanggit din ng mga opisyal ang pagdami ng kabataang kalahok sa sektor sa pamamagitan ng mga programang gaya ng Young Farmers Challenge at internship initiatives.
Isinasagawa ang pagdiriwang alinsunod sa Presidential Proclamation No. 33 na nagtatakda sa buwan ng Mayo bilang National Farmers’ and Fisherfolk’s Month.









