Pinalalawak ng Department of Agriculture (DA) ang produksiyon ng ube sa Cagayan Valley upang matugunan ang lumalaking demand sa pandaigdigang merkado at mapalawak ang oportunidad sa pag-export para sa mga lokal na magsasaka.

Target ng ahensya na mapalawak sa 500 ektarya ang taniman ng ube pagsapit ng 2028, mula sa paunang 100 ektarya.

Naglaan na ang DA regional field office ng ₱3.7 milyon para sa produksyon ng 420,000 ube setts o mga materyales na ginagamit sa pagpaparami ng halaman. Sa naturang bilang, 211,180 setts na ang naihatid sa Echague, Isabela.

Nakatakda ring suportahan ang karagdagang 70 ektarya ng taniman na mangangailangan ng 1.4 milyong ube setts, na inaasahang makukumpleto ang suplay pagsapit ng Disyembre.

Inaasahang makatutulong ang pagpapalawak ng produksiyon upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at mapalakas ang kakayahan ng rehiyon na makipagsabayan sa pandaigdigang merkado ng ube.

-- ADVERTISEMENT --