
Pinawi ng Department of Agriculture ang pangamba ng publiko sa posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain dahil sa mahal na langis.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, ang senaryong maaaring umabot sa USD200 kada bariles ang krudo ay “haka-haka” lamang at hindi isinama ang mga hakbang ng gobyerno para maprotektahan ang mga Pilipino.
Dagdag niya, bagamat may tensyon sa Gitnang Silangan lalo na sa Strait of Hormuz, kumikilos na ang pamahalaan para masigurong may sapat na suplay ng langis at pataba.
Nag-secure na rin ang Department of Energy ng dagdag na suplay ng krudo, habang pinayagan ang Fertilizer and Pesticide Authority at Planter Products Inc. na palakasin ang pag-angkat ng fertilizer.
Tinitingnan din ang paggamit ng organic fertilizer para mabawasan ang gastos.
Sa ngayon, ayon sa DA, stable pa ang presyo ng pagkain, sapat ang suplay ng baboy, at mas marami ang produksyon ng manok kaysa demand.
Nagbabala naman ang kalihim sa mga negosyanteng mananamantala. Aniya, mahigpit na babantayan ng pamahalaan ang mga supplier at negosyante laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo at hoarding.










