Plano ng Department of Agriculture (DA) na tapyasan ang pork import ng Pilipinas ng hanggang sa 60,000 metriko tonelada ngayong taon.
Ito ay kasabay ng pagnanais ng ahesniya na mapalakas ang local production kasunod na rin ng ginagawang mga programa bilang pagbuhay sa hog industry ng bansa.
Batay sa plano ng DA, nais nitong palitan ang sampung porsyento mula sa imported pork supply ng bansa at ipantapal dito ang domestic production o lokal na produksyon. Ito ay katumbas ng 60,000 metriko tonelada ng karne ng baboy.
Ayon sa ahensiya, magagamit dito ang P2.1 billion na pondo paa sa modified repopulation program.
Sa ilalim ng binagong repopulation program ng ahensiya, mayroong tatlong magkakaibang package na maaaring pakinabangan ng mga magsasaka sa bansa.
Una ay ang pagtatayo ng production farm na nagkakahalaga ng P16.21 million at may kapasidad na 60 sow/inahin.
Pangalawa ay 30-sow level capacity production farm na nagkakahalaga ng P10 million, habang ang pangatlo ay ang 30-sow multiplier farm na nagkakahalaga rin ng P10 million.
Ang mga ito ay maaaring ipagkaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo na may kaalaman sa pag-aalaga, pagpapalaki, at pagpapalakas ng produksyon ng baboy.
Sa pamamagitan nito ay umaasa ang DA na matutugunan ang pangangailangan at konsumo ng bansa, at maibangon ang local hog industry mula sa naunang epekto ng ASF.