photo credit: DA-RO2

TUGUEGARAO CITY-Muling namahagi ng tulong pinansyal ang Department of Agriculture (DA)-region 2 sa mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon dos.

Ayon kay Ruberto Busania ng DA-R02, mahigit P13milyon ang kabuuang halaga ng kasalukuyan nilang ipinamimigay na tulong sa mga magbababoy kung saan mahigit P10M ang inilaan sa Nueva Vizcaya at mahigit P2M sa Isabela.

Aniya, ang mga benipisaryo sa nasabing tulong pinansyal ay ang mga magbababoy na isinailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy nitong huling quarter ng taong 2020.

Bukod dito, sinabi ni Busania na inaasahan din ng kanilang opisina na sa susunod na linggo ay maibababa ang karagdagang tulong na nagkakahalaga ng mahigit P31milyon bilang karagdagang tulong pinansyal sa mga naapektuhan ng ASf sa unang quarter ng kasalukuyang taon.

Mula sa nasabing halaga, mahigit P28milyon ay mapupunta sa Cagayan, P2 milyon sa Quirino at isang milyong piso sa Nueva Vizcaya.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Busania na hinihintay na rin nila ang pinakamalaking pondo na mula sa central office na nagkakahalaga ng mahigit P161M na karagdagan sa ipamimigay na tulong pinansyal sa mga magsasaka na apektado ng ASF para agad silang makabangon mula sa pagkalugi.

Matatandaan, una na ring nagbigay ng mahigit P8M ang ahensya sa mga apektado ng ASF noong unang quarter ng taong 2020.

Tinig ni Ruberto Busania ng DA-R02

Samantala, sinabi ni Busania na tanging ang bayan ng Sanchez Mira sa probinsya ng Cagayan ang huling nakapagtala ng kaso ng ASF kung saan ito ang kanilang tinututukan sa ngayon para hindi na kumalat ang virus sa ibang mga lugar.