Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., sa Bureau of Plant Industry (BPI) na inspeksyunin ang lahat ng mga bodega ng sibuyas upang matukoy kung may mga bagong aning sibuyas ang hindi inilalabas sa merkado.
Ang anihan ng sibuyas ay inaasahan na magsisimula sa buwang ito, na dapat magbigay ng mga sariwang supply at magpapagaan sa presyo nito.
Pero, nangangamba ang kalihim na posibleng hindi umabot ang mga ito sa merkado.
Binigyan ni Laurel ng apat hanggang pitong araw ang BPI upang tapusin ang inspeksyon.
Una rito, pinahintulutan ng DA chief ang pag-import ng nasa 3,000 metriko tonelada ng mga pulang sibuyas at 1,000 metriko tonelada ng mga puting sibuyas upang matugunan ang inaasahang kakulangan bago ang panahon ng pag-aani.
Sa kabila nito, ang mga presyo ng sibuyas ay nananatiling mataas.
Sa pinakahuling price monitoring ng DA, ang presyo ng pulang sibuyas ay nasa pagitan ng P140 at P240 bawat kilo, habang ang mga puting sibuyas ay mula sa P130 hanggang P150 bawat kilo.
Nauna nang inaasahan ng BPI na ang maagang pag -aani ay magdagdag ng halos 33,000 metriko tonelada sa Marso.